Home » Tags
“If you don't have time to do it right, when will you have time to do it over?”
- John Wooden

Idlip

January 4, 2010

Nanaginip ka na naman. Hindi mo alam kung ano ba ang dapat mong maramdaman sa mga eksenang ginawa lang ng malikot mong utak. Magiging masaya ka ba? Bubuuin ba ng ilang oras ninyong pagsasama sa ulap ang iyong araw sa iyong paggising? Babaunin mo ba ang ngiti sa iyong pagpasok sa eskwela?

Umaasa ka pa bang magiging totoo ang lahat?

Minsan mas mabuti pa ngang walang panaginip. Natulog kang madilim lang. Pagkagising mo, parang pumikit ka lang. Mas mabuti pa kung hindi ka nalang marunong mag-isip ng mga bagay na maaaring mangyari pero hindi naman talaga pwedeng mangyari. Pero kung iisipin mo hindi ka naman nag-iisip na gaya ng pag-iisip mo sa tuwing nagsusulat ka ng nobela. Hindi mo naman pinaplano kung anong mangyayari sa panaginip mo. Sadyang ganoon na lamang siguro kalalim ang nararamdaman mo kung kaya’t kusa na siyang ipinapalabas ng utak mo.

Parang sine. Parang pelikula. Ikaw ang bida at siya naman ang iyong kapareha. Pero bakit lagi kang malungkot sa mga eksena?

Kahit nasa proseso ka na nang unti-unting paglimot, ayaw ka paring tantanan ng kaisipang “pwede pa siguro”. Minsan hindi na nakakatuwa. Hindi ka makaurong. Hindi ka makahanap ng iba. Pero ang pang-asar pa, ikaw rin naman itong ayaw lumayo. Ayaw mong mawala ang mga panaginip.

At muli sa iyong pag-idlip, dadalawin ka nanaman niya. Ibang lugar, ibang sitwasyon, ibang panahon. Sa huli, hindi pala mga kamay niya ang pupuno sa mga lakdaw ng iyong mga daliri.

Biglang tutunog ang orasan. 

 

 

 

 

 12.13.09

Posted by mimoi at 9:27 pm | permalink | Add comment